Pag-unawa sa mga Bato sa Pantog
Ang mga bato sa pantog ay maliliit na deposito ng mga kristal na gawa sa mga mineral at protina na nabubuo sa ihi. Maaaring mabuo ang mga ito kapag nanatili ang kaunting ihi sa iyong pantog pagkatapos umihi. Nagtataglay ang ihi ng mga mineral tulad ng calcium oxalate at uric acid na maaaring maipon at tumigas, na nabubuo bilang mga bato.
Maaaring mag-iba-iba ang laki at hugis ng mga bato sa pantog. Mas malamang na mangyari ito sa mga lalaki.
Maaaring mag-iba-iba ang laki at hugis ng mga bato sa pantog. Mas malamang na mangyari ito sa mga lalaki.

Ano-ano ang sanhi ng mga bato sa pantog?
Ang lumaking prostate sa mga lalaki ay ang pinakakaraniwang sanhi ng mga bato sa pantog. Ang prostate ay isang maliit na gland na matatagpuan malapit sa urethra. Ang urethra ay isang tubo na naglalabas ng ihi mula sa katawan. Habang tumatanda ang mga lalaki, mas lumalaki ang prostate at itinutulak nito ang urethra. Maaaring maging sanhi iyon na hindi ganap na mawalan ng laman ang pantog.
Ang iba pang posibleng sanhi ng mga bato sa pantog ay:
-
Mga problema sa diyeta, tulad ng kakulangan sa tubig (pagkaubos ng tubig sa katawan)
-
Impeksiyon sa daanan ng ihi
-
Pagbaba ng pelvic organ sa mga babae
-
Pinsala sa gulugod na nakakaapekto kung paano ka umihi
-
Operasyon sa pantog
-
Kakaibang bagay sa pantog, tulad ng mga tahi mula sa isang medikal na pamamaraan o isang catheter
Mga sintomas ng mga bato sa pantog
Ang ilang bato sa pantog ay walang dulot na problema. Ngunit kung mayroon, maaari kang magkaroon ng mga sintomas na ito:
-
Dagliang pagkaramdam ng pag-ihi
-
Kailangang umihi nang mas madalas
-
Hindi mapigilan ang iyong ihi (kawalan ng kontrol)
-
Mahapdi kapag umiihi
-
Dugo sa iyong ihi
-
Pananakit ng tiyan
Paggamot para sa mga bato sa pantog
Sa ilang kaso, maaaring hindi mo kailangan ng anumang paggamot para sa bato sa pantog. Maaari itong lumabas sa iyong katawan sa kalaunan kapag umihi ka. Para sa mas malalaking bato, kabilang sa paggamot ang:
-
Mga pagbabago sa diyeta. Makatutulong ang pag-inom ng mas maraming tubig bawat araw upang lumabas ang bato sa iyong katawan. Maaaring makaramdam ka ng kaunting pananakit kapag lumalabas ang bato. Maaaring kailangan mo ring magbawas ng asin at taba upang huminto ang pagkabuo ng mas maraming bato.
-
Operasyon. Magagamit ang ilang iba’t ibang pamamaraan upang gamutin ang mga bato sa pantog. Maaaring alisin ang ilang bato sa pamamagitan ng urethra gamit ang isang maliit na tubo na may camera (cyctoscope). Maaaring gumamit ang tagapangalaga ng kalusugan ng scope upang basagin ang bato gamit ang mga laser o shock wave. Maaaring alisin ang malalaking bato sa pamamagitan ng hiwa malapit sa pelvis.
Mga posibleng kumplikasyon ng mga bato sa pantog
-
Mas maraming bato sa pantog
-
Impeksiyon sa daanan ng ihi
-
Pagkasira ng pantog o urethra
-
Hindi maka-ihi
Kailan dapat tumawag sa iyong tagapangalaga ng kalusugan
Tumawag agad sa tagapangalaga ng iyong kalusugan kung mayroon ka ng alinman sa mga ito:
-
Lagnat na 100.4°F (38°C) o mas mataas, o katulad ng itinagubilin ng tagapangalaga ng iyong kalusugan
-
Pamumula, pamamaga, o likido na tumatagas mula sa hiwa na lumalala
-
Pananakit na lumalala
-
Dugo sa ihi
-
Hindi makaihi
-
Mga sintomas na hindi gumagaling, o lumulubha
-
Mga bagong sintomas
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. All rights reserved. This information is not intended as a substitute for professional medical care. Always follow your healthcare professional's instructions.