Impeksiyon na Clostridium Difficile (C. Diff)
Maaaring maging labis na mapanganib ang C. diff (Clostridium difficile) na bakterya. Naaapektuhan ng mga ito ang bituka. Makakapagdulot ang mga ito ng mga sintomas mula banayad na pagtatae hanggang matinding pamamaga ng malaking bituka (colon). Maaari ding tawagin ang C. diff na impeksiyon na Clostridioides difficile na impeksiyon. Pinakakaraniwan ito sa mga araw at linggo pagkatapos ang paggamot gamit ang mga antibayotiko. Maaaring maimpeksiyon ang sinuman. Ngunit mas mataas ang panganib sa mga taong nasa ospital at sa mga taong nakatira sa mga nursing home o mga pasilidad ng pangmatagalang pangangalaga. Ito ay dahil ang paggamit ng antibayotiko ay karinawan doon. Madali ring kumalat ang mga mikrobyo sa mga lugar na ito.
Ano ang nagdudulot ng C. diff na impeksiyon?
May daan-daang uri ng bakterya ang sikmura at mga bituka. Marami sa mga bakteryang ito ang talagang tumutulong na mapigilan ang mga mapanganib na bakterya gaya ng C. diff na magdulot ng mga problema. Normal sa bituka ang kaunting dami ng C. diff at hindi nagdudulot ng mga problema. Kapag uminom ka ng antibayotiko, maaaring maapektuhan ang normal na balanse ng mabuti at masamang bakterya. Maaaring may sobrang kaunti ng mabuting bakterya. Maaaring magbigay-daan ito sa mapanganib na bakterya, gaya ng C diff, na dumami. Sa mga ospital at nursing home, maaaring kumalat ang C. diff mula sa isang nahawang tao patungo sa iba pa. Maaaring mangyari ito kapag humawak ang tauhan o mga bisita sa nahawang tao o mga bagay (gaya ng mga riles ng kama, stethoscope, o bedpan) at pagkatapos ay hahawak sa ibang tao o mga ibabaw.
Ano-ano ang mga sintomas ng C. diff na impeksiyon?
Ang mga taong may banayad na impeksiyon ng C. diff ay madalas na mayroon ng mga sintomas na ito:
-
Matubig na pagtatae (3 o higit pang beses sa isang araw sa loob ng ilang araw)
-
Pananakit, panghahapdi, at paninigas ng tiyan
Maaaring may mga sintomas ang mga taong may malubhang impeksiyon ng C. diff na kasama ang:
-
Matinding pananakit o panghahapdi ng tiyan
-
Madalas na matubig na pagtatae (hanggang 15 beses sa isang araw)
-
Pamamaga ng tiyan
-
Masakit ang tiyan (pagduduwal) at pagsusuka
-
Pagkawala ng gana
-
Dugo o nana sa kanilang dumi
-
Lagnat
Kung minsan, nagdadala ng mga mikrobyong C. diff ang mga tao pero hindi nagkakasakit. Tinatawag itong kolonisasyon. Mas karaniwan ang kolonisasyon kaysa impeksiyon ng C. diff at hindi kailangan ng paggamot. Walang sintomas ang mga taong kolonisado. Pero maaari pa rin nilang maipasa ang impeksiyon sa iba.
Paano nada-diagnose ang C. diff na impeksiyon?
Upang kumpirmahin ang impeksiyon, kinukuha ang sampol ng dumi. Sinusuri ito para sa bakterya o ang mga lason na ginagawa ng bakterya.
Paano ginagamot ang C. diff na impeksiyon?
Sa maraming kaso, bibigyan ka ng antibayotiko o ibang gamot o terapi na nakadirekta sa C. diff na impeksiyon. Maaaring payuhan ka ng iyong tagapangalaga ng kalusugan na ihinto mo ang pag-inom o baguhin ang mga antibayotiko na inireseta sa iyo. Makipag-usap sa iyong tagapangalaga ng kalusugan bago huminto o simulan ang anumang gamot.
-
Kadalasang ibinibigay ang mga likido sa pamamagitan ng IV (intravenously) sa pamamagitan ng ugat. Tumutulong ito na palitan ang mga likidong nawala sa pamamagitan ng pagtatae.
-
Sa mga bihirang kaso, maaaring kailanganin mo ng operasyon kung ang paggamot ay hindi nalulunasan ang mga malubhang sintomas.
Upang bawasan ang mga sintomas:
-
Uminom ng maraming likido upang mapalitan ang tubig na nawala sa pamamagitan ng pagtatae. Makipag-usap sa iyong tagapangalaga o nars tungkol sa kung aling mga likido ang pinakamahusay.
-
Sundin ang mga tagubilin ng iyong tagapangalaga para sa kung kailan at ano ang kakainin.
-
Huwag uminom ng mga gamot para sa pagtatae maliban kung sinabi ng iyong tagapangalaga ng kalusugan na gawin mo.
-
Sabihin sa iyong tagapangalaga kung bumalik ang mga sintomas. Kahit pagkatapos ng paggamot, maaaring bumalik ang C. diff.
Maaari kang bigyan ng iyong tagapangalaga ng karagdagang paggamot kung bumalik ang iyong mga sintomas. O kung hindi mo maalis ang impeksiyon ng C. diff gamit ang karaniwang kurso ng paggamot. Maaaring kabilang dito ang:
-
Isang mas matagal at pababang kurso (tinatawag na taper) ng paggamot gamit ang antibayotiko na vancomycin at metronidazole.
-
Ang pamamaraan (fecal transplant) kung saan ang normal na fecal material ay inilalagay sa iyong mga bituka. Ginagawa ito upang bigyan ka muli ng mabuting bakterya at ihinto ang pagbalik ng C diff na impeksiyon.
-
Ang gamot na tinatawag na bezlotoxumab. Sa ilang kaso, makatutulong ito na maiwasan ang pagbalik ng iyong mga sintomas.
Ano-ano ang mga posibleng komplikasyon ng C. diff na impeksiyon?
Kabilang sa mga komplikasyon ang:
-
Pagkawala ng tubig sa katawan (dehydration)
-
Mga hindi balanseng electrolyte
-
Mababang protina sa dugo
-
Matinding paglawak (pagluwang) at pamamaga ng malaking bituka (toxic megacolon)
-
Isang butas (pagbubutas-butas) sa bituka (madalas na sanhi ng toxic megacolon)
-
Mababang presyon ng dugo
-
Pagpalya ng bato
-
Pamamaga o impeksiyon sa buong katawan
-
Pagkamatay
Paano naiiwasan ang C. diff?

Isinasagawa ng mga ospital at nursing home ang mga hakbang na ito upang makatulong na maiwasan ang C. diff na mga impeksiyon:
-
Paglimita sa paggamit ng mga antibayotiko. Makatutulong na mabawasan ang C. diff na mga impeksiyon sa pagbibigay lang ng mga antibayotiko kapag kinakailangan.
-
Paghuhugas ng kamay. Dapat maghugas ng kanilang mga kamay ang mga tauhan ng ospital bago at pagkatapos gamutin ang bawat tao. Dapat din silang maghugas ng kanilang mga kamay matapos humawak sa anumang ibabaw sa kuwarto ng isang tao. Ang paghuhugas ng mga kamay gamit ang sabon at malinis, dumadaloy na tubig nang hindi bababa sa 20 segundo ay mas mahusay na gumagana kaysa sa mga panlinis ng kamay na may alkohol para sa C. diff.
-
Proteksyong damit. Dapat magsuot ng guwantes at gown ang mga manggagawa sa pangangalaga ng kalusugan kapag pumapasok sa kuwarto ng isang taong may C. diff na impeksiyon. Dapat nilang alisin ang mga item na ito bago umalis at pagkatapos ay maghugas ng kanilang mga kamay.
-
Mga pribadong kuwarto. Dapat nasa mga pribadong kuwarto ang mga taong may C. diff. Ito ay para maiwasan ang pagkalat ng impeksiyon.
-
Lubusang paglilinis. Dapat linisin at idisimpekta ang kagamitan at mga kuwarto araw-araw at linising mabuti sa pagitan ng bawat bagong tao na nananatili doon.
-
Edukasyon. Dapat ipakita sa lahat ang pinakamahusay na paraan upang maiwasan ang impeksyon.
Maaari mong gawin ang sumusunod upang tumulong na maiwasan ang C. diff:
-
Uminom lang ng mga antibayotiko kapag talagang kailangan mo ang mga ito. Hindi tumutulong ang mga antibayotiko sa paggamot ng mga sakit na sanhi ng mga virus. Kabilang dito ang sipon at trangkaso. Huwag humingi ng mga antibayotiko mula sa iyong tagapangalaga ng kalusugan kung sinabi niya na hindi gagana ang mga ito.
-
Kung binigyan ka ng mga antibayotiko, inumin mo ang mga ito ayon sa itinagubilin. Huwag uminom ng mas marami o mas kaunti kaysa sa dosis na inireseta. Maliban kung iba ang itinagubilin, ubusin ang buong reseta kahit mas maganda na ang pakiramdam mo.
-
Hugasan nang maingat ang iyong mga kamay. Gawin ito matapos gumamit ng banyo at bago kumain. Gumamit ng maraming sabon at malinis at umaagos na tubig. At maghugas nang hindi bababa sa 20 segundo. Maaaring hindi gumana laban sa mga mikrobyong C. diff ang mga panlinis ng kamay na may alkohol.
-
Turuan ang mga bata sa tamang paghuhugas ng kamay. Ipakita sa kanila ang mga paraan ng mahusay na paghuhugas ng kamay sa lahat ng sitwasyon.
Nasa isang ospital o pasilidad ng pangangalaga
Kapag bumibisita sa isang tao na may C. diff na impeksiyon:
-
Hugasang mabuti ang iyong mga kamay. Hugasan ang iyong mga kamay bago at pagkatapos bisitahin ang tao. Gumamit ng sabon at tubig. Maaaring hindi gumana laban sa C. diff ang mga panlinis ng kamay na may alkohol. Hindi ipinapayo ang mga ito matapos ang kontak sa isang taong may C diff.
-
Kung hiningi sa iyo ng tauhan na gawin ito, magsuot ng mga guwantes. Gawin ang anumang iba pang hakbang na hiningi sa iyo na sundin upang makatulong na maiwasan ang impeksyon.
Pangangalaga sa isang tao na may C. diff na impeksiyon
Gawin ang mga hakbang na ito kapag nangangalaga sa isang tao na may C. diff na impeksiyon:
-
Kung tinagubilinan, magsuot ng mga guwantes kapag nangangalaga sa tao. Itapon ang mga guwantes pagkatapos ng bawat paggamit. Pagkatapos, hugasang mabuti ang iyong mga kamay.
-
Labhan ang mga damit, sapin sa kama, at mga tuwalya ng tao nang magkakahiwalay. Gumamit ng mainit na tubig. Gumamit ng parehong sabong panlaba at likidong pampaputi.
-
Idisimpekta ang mga ibabaw sa kuwarto ng tao. Kasama rito ang telepono, mga switch ng ilaw, at mga remote control.
Gawin ang maayos na paghuhugas ng kamay
-
Gumamit ng malinis at umaagos na tubig at maraming sabon. Kuskusin nang mabuti ang iyong mga kamay.
-
Linisin ang iyong buong kamay. Hugasan ang ilalim ng mga kuko, sa pagitan ng mga daliri, at pataas sa iyong galang-galangan.
-
Maghugas nang hindi bababa sa 15 hanggang 20 segundo.
-
Banlawan. Hayaang dumaloy ang tubig pababa sa iyong mga daliri, hindi pataas sa iyong mga galang-galangan.
-
Tuyuin nang mabuti ang iyong mga kamay gamit ang disposable na mga tuwalyang papel. Pagkatapos, gumamit ng tuwalyang papel para isara ang gripo at buksan ang pinto.